
“Adoration of the Trinity”. Ipininta ni Albrecht Dürer (1471–1528).
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.” (Mateo 5:9 MBB)
Madalas marinig na sagot sa mga Q&A portion ng mga beauty pageant ang: “I desire world peace.” Nauso noon kapanahunan ni John Lennon at sa “hippie days” ng kanyang bandang The Beatles ang “peace sign”. At, hanggang ngayon, may mga barkada na ang bati nila sa kanilang samahan ay: “Peace, man!”
Ayon sa Bibliya, ang kapayapaan ay isang bunga ng Espiritu Santo (tingnan ang Gal 5:22-23). Ngayon, ang hamon sa atin ay isabuhay itong kapayapaan ni Kristo. Ito yaong kapayapaang ibinigay niya sa kanyang mga alagad noong Huling Hapunan. Ito ang kanyang naging bati noong siya’y muling nabuhay sa Ikatlong Araw. At ito ang kapayapaang nagpatatag ng loob sa pagmimisyon at panalangin ng mga Banal na Apostol at mga Martir, ng mga namanata sa Diyos bilang mga pari at relihiyoso, ng mga mag-asawa at ng iba pang mga banal na tao mula sa iba’t ibang larangan, panahon, at pook.
Ang kapayapaan ni Kristo ang siyang isinabuhay ng mga kuya at ate natin sa pananampalataya na ngayo’y maluwalhating kapiling ng Diyos at patuloy pa ring tumutulong at gumagabay sa ating paglalakbay.
Ngunit may ilan tayong mga kapatid (o tayo din mismo) na, sa halip na pagkakaisa, ay pagkakawatak-watak ang inaatupag lalo na sa pamayanang Kristyano. Ito ay dahil sa mga makasariling interes tulad ng kapangyarihan at katanyagan. At, sa ngalan ng kapangyarihan at katanyagan, hahamakin nila ang lahat mapunta o manatili lamang sila sa pedestal.
Kung ang pagaasal ng isang naglilingkod sa simbahan ay pagawayin ang mga tao, doktrinahan ang mga kapwa-lingkod niya ng maling aral ng Salita ng Diyos at ng Simbahan, at magkalat ng pagkalito (confusion) at tsismis sa kanyang samahan, aba’y magisip-isip na ang taong iyon. HINDI SIYA NAMUMUHAY AYON SA “MAGNA CARTA” NG KABANALAN, i.e. ang “Mga Mapapalad” (Beatitudes).
At, malamang sa malamang, sasabihin ng ibang tao: “Taong-simbahan pa man din siya.” Nakakahiya.
Tandaan: ang paglilingkod sa Simbahan ay hindi isang paligsahan kunti ito ay pakikipagtulungan.
Ministry in the Church is not a competition but a cooperation.
Oo, hindi perpekto ang mga lingkod ng simbahan, mula sa kaparian hanggang sa mga layko. Sapagkat ang makasalanan ay nagtitiwala dapat sa naguumapaw na pagkamaawain ng Diyos (tingnan ang Unang Panalangin ng Pagpupuri’t Pasasalamat o Roman Canon). Sabi ni Papa Francisco sa isang pagninilay niya (Ika-3 Nob. 2013): “Sinners, yes. Corrupt, no.”
Oo, maaaring mga makasalanan tayo. Ngunit hindi dapat bulok ang mga puso natin.
Sapagkat ang bulok na puso ay naghahasik ng lagim, ng pagkakawatak-watak, at kawalan ng pagsisisi at pagbabago.
Adbiyento at Pasko na sa susunod na buwan. Pinaghahandaan natin ang kaarawan ng Prinsepe ng Kapayapaan, si Hesukristo. Hamon sa ating mga saints-in-the-making na isabuhay ay pagmamahal at kapayapaan ng Panginoon na kanyang ipinagkaloob sa atin.
Ang buhay-kabanalan ay buhay-pagmamahal.
Ang buhay-kabanalan ay buhay-kapayapaan.
Ang buhay-kabanalan ay buhay-pagkakaisa. Tulad ng ating iisang Diyos na siyang Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Itaguyod natin ito dahil ang Diyos ay ating Ama at tayo ay magkakapatid kay Kristo Hesus.








